Miyerkules, Marso 8, 2017

Pagsulat




Kahulugan at Kalikasan ng Pagsulat

Ø  Sa pagsulat, naipapasa ng isang tao ang kaniyang ideya. Naisasakatuparan ang mga abstak na kaisipan sa pamamagitan ng pagsasalin nito sa mga kagamitang maaaring pagsulatan. Naiprepreserba ang mga katangi-tanging mga ideya na maaaring kapupulutan ng kaalaman o aral sa buhay.

Ø  Ayon kay Bernales et,al. 2001, ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o anumang kasangkapan maaaring magamit na pagsasalinan ng mga navbuong salita, simbolo o ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layunin maipapahayag ang kanyang/kanilang kaisipan.


Ø  Ito ay kapwa isang pisikal at mental na aktibiti na ginagawa para sa iba’t ibang layunin. Ito ay pisikal na aktibiti sapagkat ginagamit dito ang kamay at mata. Mental na aktibiti rin ito sapagkat di maaaring hindi gagamitin ang utak sa pagsusulat. (Bernales et al,2002)

Ø  Hindi biro ang gawaing pagsulat. Ang pagsuong sa gawaing ito ay nangangailangan ng puspusang mental at konsiderableng antas ng kaalamang teknikal at pagkamalikhain.(Bernales et al,2002)


Ø  Ayon kay Xing at Jing(1989,Bernales et al,2008) ang pagsulat ay isang komprehensibong kakayahang naglalaman ng wastong gamit, talasalitaan, pagbuo ng kaisipan, retorika at iba pang mga elemento.

Ø  Ayon kay Keller(1985,Bernales et al, 2008) ang pagsulat ay isang biyaya, pangangailangan at kaligayan ng magsasagawa nito.


Ø  Ayon kina Peck at Buckingham(Bernales et al. 2008) ang pagsulat ay ekstensyon ng wika at karanasang natamo ng isang tao mula sa kanyang pakiinig, pagsasalita at pagbasa.



Layunin sa Pagsulat
Impormatibong Pagsulat (expository writing)
Ø  Naghahangad na makapagbigay ng impormasyon at mga paliwanag
Ø  Pokus nito ay mismong paksang tinatalakay sa teksto
·        Report ng obserbasyon
·        Mga estadistika na makikita sa mga libro
·        Ensayklopedya
·        Balita
·        Teknikal o bisnes report
            
     
Mapanghikayat na Pagsulat( Persuasive Writing)
Ø  Naglalayong makumbinsi ang mga mambabasa tungkol sa isang katuwiran, opinion o paniniwala.
Ø  Pokus nito ay ang mambabasa na nais maimpluwensiyahan ng isang awtor nito.
·        Proposal at konseptong papel
·        Editorial
·        Sanaysay
·        Talumpati

Malikhaing Pagsulat
Ø  Layunin ng awtor dito ay pagpapahayag lamang ng kathang isip, imahinasyon, ideya, damdamin o kumbinasyon ng mga ito.
Ø  Pokus dito ay ang manunukat mismo
Ø  Arrogante (2000, sa Bernales et al. 2008), ang malikhaing pagsulat ay isang pagtuklas sa kakayahang pasulat ng sarili tungo sa pakikipag-ugnayang sosyal.

Ayon naman kay Kinneavy (1971)
Pormularing Pagsulat
Ø  Isang mataas at estandardisadong pagsulat katulad ng mga kasulatan/kasunduan sa negosyo/bisnes at iba pang transaksyong legal.
Elemento ng Pagsulat
Ø  Paksa
Ang proseso ng pagsulay ay laging nagsisimula sa isang paksang siyang iikutan ng sulatin. Mahalagang makapili ng isang paksang magiging kawili-wili sa magiging mambabasa ng teksto. Sa pagpili ng paksa, pinahahalagahan natin na dapat ito ay may saysayupang basahin an gating mga inaakda.
Ø  Layunin
Karaniwan na ang pamamaraan n gating pakikipag-ugnayan ay nadidiktahan n gating layunin o ninanais na makamtan sa katapusan ng gawain.


Ø  Pagsasawika ng Ideya
Ang ideya ay ang kaisipan ng isang tao tungkol sa isang paksa, at ito ay nananatiling kaisipan lamang hangga’t hindi ito nalalapatan ng mga konkretong salita na siyang magbibigay kabuuan dito. Mahalaga kung gayon, ang lingguwistik kompetens dahil dito nasusukat ang kakayahan ng isang manunulat.

Ø  Mambabasa
Sa isang diskurso o ano mang proseso ng pakikipagtalastasan, laging may dalawa o higit pangbilang ng participant. Laging mayroong tagapaghatid at tagatanggap, bagama’t hindi sarado ang kanilang papel dahil dito ay nagkakapalitan habang patuloy na dumadaloy ang diskurso.

Proseso sa Pagsulat
1.  Bago Sumulat
a.  Malayang Pagsulat
b.  Pagtatanong
c.  Paglilista
d.  Pagkaklaster
e.  Pagbabalangkas
Pharr at Buscemi (2005)
a.  Impormal na balangkas
b.  Balangkas na Pangungusap
c.  Pormal na Balangkas
2.  Habang Sumusulat
a.  Magsimula sa isang paksang pangungusap
b.  Suportahan ang paksang pangungusap ng mga tiyak na katibayan
c.  Ayusin at pansinin ang pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya
d.  Isulat nang malinaw o error-free ang pangungusap

3.  Pagkatapos Sumulat
Kohirens
Kakayahang maipakita ang ugnayan ng mga ideya
Kaisahan
Kailangan ang mga ideya ay malinaw na magkaugnay sa isa’t isa at umiikot ang talakay sa isang sentral na ideya
Emphasis
Ang mga mahahalagang salita o punto ay dapat nakahaylayt o nabibigyang-diin.
Kasapatan
Sapat ang mga material- halimbawa, detalye, paliwanag at mga ebidenya/datos – para masuportahan ang paksang tinalakay
Kasanayan sa Pangungusap
Obserbahan ang estruktura ng grammar na ginagamit- tamang pagbabantas, ispeling at maging pormat na ibinigay ng guro.

PAGBASA



INTRODUKSYON SA PAGBASA


Pagbasa - ito ay pagkilala at pagkuha ng mga ideya at kaisipan sa mga sagisag na nakalimbag upang mabigkas nang pasalita. Ito rin ay pag-unawa sa wika ng aktor sa pamamagitan ng mga nakasulat na simbulo.
-        Ang pagbasa ay pagkilala at pagkuha ng mga ideya at kaisipan sa mga sagisag na nakalimbag. Isa ito sa mga makrong kasanayang pangwika at isa sa mga pinakagamitin sa lahat.

-        Ito ay proseso ng pag-unawa sa mensaheng nais iparating ng may-akda sa mambabasa. Dahil sa Knowledge explosion, naging lalong mahalaga ang pagbabasa sa sangkatauhan.

Proseso Ng Pagbasa
Ang pagbasa ay isang proseso ng pagbibigay-kahulugan ng mga simbolo at salita.

1. Persepsyon - hakbang sa pagkilala sa mga nakalimbag na simbulo at maging sa pagbigkas nang wasto sa mga simbulong nababasa.
-        Ito ay pagkilala at pagtukoy sa mga nakalimbag na simbolo at kakayahan sa pagbigkas ng mga tunog.

2. Komprehensyon - Pagproproseso ito ng mga impormasyon o kaisipang ipinahahayag ng simbulong nakalimbag na binasa.
-        Ito ay pag-unawa sa mga nakalimbag na simbolo o salita.

3. Reaksyon - hinahatulan o pinagpapasyahan ang kawastuhan,kahusayan at pagpapahalaga ng isang tekstong binasa.
-        Ito ay kaalaman sa pagpasiya o paghatol ng kawastuhan, kahusayan, pagpapahalaga at pagdama sa teksto.

4. Asimilasyon - isinasama at iniuugnay ang kaalamang nabasa sa mga dati nang kaalaman o karanasan.
-        Integrasyon – Ito ay kaalaman sa pagsasanib o pag-uugnay at paggamit ng mambabasa sa kanyang dati at mga bagong karanasan sa tunay na buhay.


Isang komplikado o masalimuot na proseso ang pagbasa sapagkat maraming kasanayan ang nililinang at kailangang malinang dito upang magiging epektibo ang pagbabasa. Isa kang mahusay at epektibong mambabasa kung natutukoy mo ang layunin ng iyong binabasa, nagagamit ang mga estratehiya at teknik sa pagbasa, nakabubuo ng hinuha o hula sa susunod na pangyayari at iniuugnay ang dating kaalaman at karanasan upang maunawaan ang kahulugan ng binabasang teksto.

Layunin ng Pagbasa
1. Magkaroon ng kalinawan ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na di malinaw sa kaalaman
2. Magkaroon ng kapayapaan sa buhay dahil sa kaalaman sa iba’t ibang larangan
3. Magkaroon ng pagbabago sa paniniwala o kaugalian
4. Magkaroon ng bukas na isipan



Dalawang Pangunahing Layunin sa Mapanaliksik na Pagbasa
1.      Makapangalap ng mahalagang impormasyon at mapataas pa ang antas ng pag-unawa
• Nagagawa ito sa pang-araw-araw na pagtunghay sa mga dyaryo, magasin, folyeto at iba pa
• Magagaan lamang ang mga itong intindihin
• Hindi gaanong pinag-iisipan sapagkat nakakapantay lamang ng ordinaryong pang- unawa
• Isang paraan ng pagpapalipas-oras kaya’y paglilibang
• Ito ay kasanayang pangmemorya lamang ng mga kaalaman

2.      Magpalawak at magpalalim ng pang-unawa
• Karaniwang hindi kinasisiyahan dahil mabigat intindihin ang mga materyal na kinakailangang basahin
• Mataas ang antas ng nilalaman nito sa kakayahang umunawa ng bumabasa
• Ito ay kasanayang pampagkatuto sapagkat hinahamon nito ang bumabasa na mag-isip para tuklasin ang mga nakapaloob ditong mga konsepto o mensahe
• Ginagamit dito ang malarong imahinasyon, matalas na pagmamasid, matalinong panunuri, at masigasig  na pagmumuni.

Sapatos ni Liza (KWENTO)



SAPATOS NI LIZA

(ni Mhegie E. Datinggaling)


 “Tiktilaok-tiktilaok-tiktilaok!”
          Iyan ang gumigising sa akin araw-araw.  Nakaririnding pakinggan subalit sanay na ako dahil ito na ang nagsilbing alarm clock ko tuwing umaga.  Ako si Liza, panganay sa limang magkakapatid.  Isa lamang akong simpleng babae na may payak lamang na pamumuhay ngunit kuntento na sa kung anong mayroon kami.  Sapat lamang ang kinikita ni Tatay mula sa pagbebenta ng mga gulay at prutas upang makakain kami ng tatlong beses sa isang araw.  Si Nanay naman ay katulong ni Tatay sa pagtatanim ng mga ibinebenta niyang gulay at prutas.  Wala na kaming ibang hinahangad pa sa kung anong klase ng buhay mayroon kami ngayon.  Sapat na sa amin ang sama-sama kaming pamilya sa lahat ng oras.   Anumang balakid ang aming kaharapin ay hindi kami nag-iiwanan at sama-sama namin itong sinosolusyunan.
          Walang ibang hiling si Tatay at Nanay kundi ang makatapos kami ng pag-aaral.  Nag-aaral sa elementarya ang apat kong kapatid at ako ay nasa ikaapat na taon na sa hayskul.  Wala rin naman kaming ibang isinusukli sa aming mga magulang kundi ang pagbutihin pa ang aming pag-aaral.  Malapit na akong grumadweyt at napakasarap isipin na ilang hakbang na lamang at maaabot ko na ang aking pangarap.  Pangarap kong maging isang guro nang sa gayon ay matulungan ko na sina Tatay sa pagtataguyod ng aming pamilya.  Kung maaari nga, hindi ko na sila hahayaang magtrabaho at lilipat na kami sa isang malaking bahay. 
          Nang minsang nakaupo ako sa isang lilim ng puno sa aming paaralan, napaisip habang minamasdan ko ang mga estudyanteng nagdaraan.  Gusto kong bilhin ang isang bagay na dati pa lamang ay pinapangarap ko na.   Gustong-gusto kong makabili ng isang bago at magandang sapatos.  Kahit alam kong walang kakayahan ang aking mga magulang na mabili ito, hindi pa rin maalis sa isip ko na sana maging posible ito.  Pumapasok ako sa paaralan ng naka-tsinelas lamang.  Nang minsang binigyan ako ng isa kong kaibigan ay nasira na rin sapagkat apat na taon ko ring ginamit.  Nang minsang ipilit ko kay Tatay na magkaroon ako ng bagong sapatos, napagtaasan niya ako ng boses na ikinasama ng loob ko sa kanya.  Paulit-ulit ko na kasi itong sinabi sa kanya at nahihili ako sa mga kaibigan ko na ibinili ng sapatos na gagamitin para sa araw ng aming pagtatapos.  Kinabukasan, isang araw bago ang aming pagatatapos,nagtungo ako sa paaralan nang hindi ako nagpapaalam kay Tatay.  Kaarawan niya pa naman ngayon at siguro’y nagtataka siya dahil unang beses kong hindi bumati sa kanya ng maaga.  Nasa malayo na ako ngunit kita kong nakatanaw pa rin siya sa akin.  Babalik na sana ako pero naisip kong bumawi na lamang sa kanya pag-uwi ko.  Dadalhan ko siya ng paborito niyang pansit.  Pinag-ipunan ko ito ng ilang araw para lamang masiyahan siya sa kaarawan niya.
          Sabik na sabik akong umuwi nang araw na iyon.  Dali-dali akong nagtungo kaagad sa aming tahanan pagkatapos ng klase namin dala ang isang supot ng pansit upang mapagsaluhan namin.  Natanaw ko na kaagad na maraming tao sa bahay naming kaya’t mas binilisan ko pa ang paglalakad. Ngunit nagkamali ako sa inaakala kong handaan ang dadatnan ko.  Bumungad sa akin ang kabaong at mga ilaw.  Napatulala na lamang ako nang makita ko siya.  Humagulhol ako ng iyak lalo na nang makita ko ang isang pares ng sapatos sa may upuan.  Binili raw ito ni Tatay para sa akin ngunit noong pauwi na siya ay naaksidente ang sinasakyan niyang traysikel.  Walang tigil ang pag-iyak at paghingi ng tawad ko kay Tatay.  Gustong-gusto ko siyang yakapin nang mga oras na iyon at ibigay ang dala kong pansit sa kanya.  Huli na ang lahat at ni hindi ko man lang siya nabati sa kaarawan niya.  Nagsisi ako at sinisi ko ang sarili ko.  Kung hindi ko siya pinilit ay hindi sana mangyayari ang lahat ng ito.  Ngunit naisip kong wala na talaga akong magagawa.  Patuloy pa rin ang pagtulo ng luha sa mga mata ko habang yakap-yakap ko ang sapatos na ibinili ni Tatay sa akin.

Jeepney Lovestory (KWENTO)



JEEPNEY LOVESTORY
ni Mhegie E. Datinggaling


          “Ayoko nang pumara kahit san mapunta, ayoko nang pumara kung ikaw ang kasama..
           Ayoko nang pumara,ayoko nang pumara,ayoko na… KUNG IKAW ANG KASAMA”!

          Kasabay ng pagsikat ni Haring Araw ay ang walang tigil na pagtunog ng nakaririnding alarm clock ko tuwing umaga.  Waring nagbabadya ng panibagong umaga at panibagong mga pangyayari na naman ang aking mararanasan.  Hayyyy…Lunes na naman. Nakakatamad bumangon mula sa aking pagkakabaluktot dito sa kama subalit kinakailangan kong gawin sapagkat mahuhuli na naman ako sa pagpasok ko sa eskwela.  Makapagpost muna kaya sa fb? Pagtingin ko sa cellphone ko, hala????? Alas-syete na ng umaga? Dali-dali akong naligo,nagbihis at nagsipilyo sabay alis agad ng bahay dahil mamamarkahan na naman ako ng “absent” sa 7:30 kong klase na PE. 
          Ilang minuto na akong naghihintay sa waiting shed subalit wala pa ring dumadaang dyip na hindi puno ang sakay.  Sabagay, sanay na naman akong maghintay.  Parang pag-ibig lang yan eh.  Lagay na ang loob ko na late na talaga ako.  Sa ilang saglit pa ay tumigil ang isang dyip sa  harap ko.  Minasdan kong halos puno at sikip na ito maliban na lamang sa upuan sa may kanang bahagi sa pagitan ng isang matandang babae at isang lalaking estudyante.  Kaagad akong umupo rito kahit halos malaglag na ako sa kinauupuan ko.  Unti-unti rin naman akong nakaupo nang maayos sapagkat may ilang pasahero na rin ang bumaba.  Nang itetext ko na sana ang isa sa kaklase ko, nakita kong may panyo na iniaabot sa akin yung lalaking katabi ko sa kaliwa.  Napaisip ako kung bakit niya ako inaabutan ng panyo at napansin ko na lamang na nalaglag pala ang panyong hawak ko.  Pagtingin ko sa kanya, nakangiti siya at napangiti na rin ako sabay sabing, “Salamat!”
          Napatalikod ako sa kanya nang nakangiti pa rin dahil nakakakilig talaga siyang ngumiti.  Yung “labas dimple to da highest lebel” talaga.  Ang bango-bango rin nung panyo ko na iniabot niya kaya naman walang tigil ang paglanghap ko rito.  Hindi ako nagpapahalatang kinikilig tuwing biglang mapapapreno ang drayber ng byaheng langit na dyip na iyon at mapapadikit siya sa akin ng bonggang-bongga.  Napapangiti na lamang kami sa isa’t isa kahit hindi naman kami magkakilala.  May kung anong hiwaga talaga ang naramdaman ko sa kanya nang mga oras na iyon.  Napapatulala na lamang talaga ako sa mga nangyayari.  Ayoko na talagang pumara at bumaba sa dyip na iyon kapag siya lagi ang kasama at katabi ko.  Ramdam ko talaga siya na ang “forever” ko, forever na papangarapin kasi alam ko namang hanggang pantasya na lang ako. 
          Dahil sa kanya, nawala na sa isip ko na late na nga pala ako.  Isa pa’y lampas na pala ako sa iskul na bababaan ko.  Pumara na lang ako bigla kaya naman napadikit na naman ang mga braso niya sa akin.  Kasing lalim na talaga ng dimple niya ang lalim ng feelings ko sa kanya.  Ayan, heto ako at naglalakad.  Medyo napalampas ako sa iskul namin pero balewala lang talaga lahat iyon.  Sobra pa rin akong nasiyahan at lubos ang kaligayahang naramdaman nang dahil kay Kuyang nakatabi ko sa dyip.  Hindi pa rin maalis ang ngiti sa mga labi ko habang naglalakad ako papunta sa gate. Iyon na talaga ang “JEEPNEY LOVESTORY” kong hinding-hindi ko malilimutan. 
















        


         




Bayani ka, Ina! (TULA)



Bayani ka, Ina!
ni: Mhegie E. Datinggaling

 Nang unang kong masulyapan itong mundong ibabaw,
Maamo mong mukha una kong nasilayan,
Sa unang pagngiti at maging sa pagluha,
Ika’y nariyan sa aking tabi’t nag-aalaga.

Ikaw ang nagturo nitong ABAKADA,
Ang unang guro ko sa pagsulat at pagbasa,
Inaruga mo’t ginabayan ng buong pusong pagmamahal,
Wagas na pag-ibig mo’y mananatili magpakailanman.

Tunay na dakila ang isang kapara mo,
Kalagayan nami’y sinisigurado mo,
Maging ang iyong pansariling kapakanan,
Ay isasantabi mo sa ngalan ng ibang tao.

Dumating man ang kahirapan at pagsubok sa buhay,
Nananatili ka pa ring matatag at puno ng pag-asa,
Ikaw ang sa aki’y nagbibigay-liwanag,
Tila isang ilaw sa gabi, sa gitna ng tahanan.

Paghanga ko sa’yo walang salitang makapaghahayag,
Lakas kita’t inspirasyon sa pagkamit ko ng pangarap
Minamahal kong ina, ikaw ang idolo ko.
Bayani kang maituturing sa puso’t isipan ko!




Love Ko si Sir (KWENTO)



LOVE KO SI SIR!

ni Mhegie E. Datinggaling


“Tentenenen-tentenenen-tentenenen-ten-tentenenen…”
          Unti-unting pumapatak ang luha sa aking mga mata habang naglalakad ako papalapit sa altar kasabay ng pagtugtog ng awiting ito.  Hindi ko mapigilang umiyak sapagkat ito na ang araw na pinakahihintay naming dalawa.  Ang espesyal na araw kung kailan ikakasal ka na sa taong pinakamamahal mo.  Pakiramdam ko’y ako na yata ang pinakamasaya at pinakaswerteng babae noong araw na iyon.  Lahat ng magagandang alaala ay waring nagbalik sa aking gunita sa mga sandaling iyon.  Bigla tuloy sumagi sa aking isipan noong una kaming magkakilala ni Kian.
          Nasa ikatlong taon ako noon sa hayskul nang may mga student teacher na dumating sa aming paaralan.  Dalawa sa kanila ang naitalagang magsanay na magturo sa amin.   Madalas na lamang akong dumalo sa aming klase noon sapagkat miyembro ako ng mga manunulat sa aming pahayagan.  Abalang-abala kami ng mga panahong iyon dahil nalalapit na ang DSPC.  Naikwento sa akin ng kaibigan ko na crush daw nila si Sir Lenon.  Nakakakilig daw itong magturo at mahilig magbiro at magpahula ng logic.  Nang minsang umatend ako sa aming klase sa Physics ay agad rin akong humanga sa kanya.  Ngunit iyon naman ay hanggang paghanga lamang sapagkat ipinaliwanag nila sa amin na nasasaad sa kanilang ‘code of ethics’ na ipinagbabawal ang pakikipagrelasyon sa mga estudyante.  Ginawa lamang namin siyang inspirasyon at talaga namang ginaganahan kami kapag ang sabdyek na ay Physics.  Ibinigay niya sa amin ang kanyang cellphone number at nakakatext namin siya upang makipagkumustahan.  Hanggang sa dumating na ang araw ng aming pagpunta sa Naujan upang lumahok sa DSPC.  Gabi noon at habang naghahanda na kami para sa contest kinabukasan ay katext ko rin si Sir Lenon.  Bigla niyang naitanong kung gusto ko raw ng numero ni Sir Kian    --S.T. namin sa Filipino, binigay niya ito sa akin at tinext ko naman agad.  Nagpakilala ako sa kanya at nang malaman niyang isa ako sa mga kasama sa DSPC ay sinabi niyang balitaan ko siya sa magiging panalo ng aming pahayagan.  Lingid sa aking kaalaman na dati pala siyang editor-in-chief ng aming pahayagan.  Noong araw na ng awarding ay kaagad ko namang sinabi sa kanya ang mga nakuha naming panalo.  Hanggang sa makauwi na kami ay nagkakapalitan pa rin kami ng mensahe ngunit hindi pa naman niya ako nakikita sa personal.  Sa cellphone lamang kami ganoon ka-close dahil kapag nasa loob na ng silid ay seryoso na ang lahat. 
          May kung anong paghanga ang naramdaman ko noong makita ko siyang nagtuturo sa unahan.  Nabighani ako sa dalawang malalim niyang biloy na palaging lumalabas sa tuwing siya’y nagsasalita.  Kahit galit na siya at nayayamot sa kaingayan namin ay nakangiti pa rin.  Hindi ko mawari ang saya at kilig na nadarama ko kapag siya na iyong nasa unahan.  Simula noon ay nawala na ang paghanga ko kay Sir Lenon ay siya na lagi ang sinusubaybayan ko.   Nang minsang maitanong ko sa kanya kung kilala ba niya ako sa personal ay isinagot niyang “Hindi pa ineng, ime-meet kita bukas”.  Kahit sa mga ganoong text lang, talon na agad ang puso ko sa kilig.  Makita ko lamang siya ay buo na ang maghapon ko at gusto ko palaging oras na agad ng Filipino.  Dumating nga ang araw na nagsasagot kami noon sa ibinigay niyang pagsusulit, bigla niyang itinanong, “Sino si Mhegie”? Tumaas ako ng kamay at ngumiti na lamang nang palihim. 
          Sa paglipas ng mga araw ay mas lalo kaming nagiging malapit sa isa’t isa ngunit sa text lamang naman.  Hindi ako nageexpect na balang araw ay magugustuhan niya rin ako sapagkat titser siya at estudyante niya naman ako.  Isang araw, habang magkatext kami ay inamin niya sa akin na gusto niya raw ako.  Ginawa ko lamang biro ang sinabi niyang iyon sapagkat alam kong malabo na mangyari yun.  Habang tumatagal ay napapansin kong parang nagbabago na nga ang pagtingin niya sa akin.  Inulit ko sa kanya ang sinabi nila noon na bawal magkaroon ng relasyon ang katulad naming dalawa.  Ngunit nagulat ako sa sagot niya.  “Oo,alam kong bawal, pero yun ang nararamdaman ko.  Kahit anong pigil ko, ikaw na talaga ang tinitibok ng puso ko.”  Nagkapalagayan kami ng loob at nilihim namin ang lahat para walang mapahamak.  Alam kong mali pero nadala na rin ako ng emosyon ko.  Di nagtagal ay ipinaalam ko rin ito sa apat kong kaibigan sapagkat kailangan ko rin ng payo nila at alam kong mapagkakatiwalaan ko sila.  Sa tuwing nasa unahan siya ay hindi ako makatingin ng diretso sa kanya dahil nahihiya ako at baka mahalata lang kami.  Batid sa kaalaman ng mga kaklase ko na crush ko siya kaya’t tuwing tatawagin niya ako        ay nagsisigawan sila.  Dumating rin ang oras na nanligaw na siya at naging kami bago sila gumradweyt. 
          Maraming naging hadlang sa pagmamahalan naming dalawa ngunit hindi kami basta nagpatinag dito.  Isa na rito’y ang relihiyon.  Bawal na bawal sa relihiyon nila ang pakikipagrelasyon sa ibang relihiyon.  Marami ring pagsubok ang sumubok sa tatag ng aming pagmamahalan  ngunit pinanindigan namin ang pangako sa isa’t isa na kaming dalawa ang magkasama habambuhay.   Walong taon ang pagitan ng aming edad at noon ko rin napatunayan na hindi hadlang ang edad kung tunay kayong nagmamahalan. 
          “Jaymee, tinatanggap mo ba? Jaymee? Nagising na lamang ang aking diwa nang mga oras na iyon.  Nakatatlong tanong na pala ang paring nagkakasal sa amin habang ako’y nakatulala lamang.  Mabilis ko siyang tinugon ng “Opo Father!” Noo’y muling napunan ng labis na kasiyahan ang aking puso.  Sa huli’y narito kami ngayon sa harap ng altar at nangangakong magsasamang habambuhay sa hirap at ginhawa… Tunay na masasabi kong napaka-komplikado ng naging kwento ng aming pagmamahalan.  Lahat nga pala ng love story ay may happy ending at yun ay nakadepende sa inyong dalawa.  Masalimuot man sa una, kahit anong mangyari ay LOVE KO pa rin SI SIR!

Magpahanggang Wakas (TULA)



“Magpahanggang Wakas”
 ni: Mhegie E. Datinggaling


Buwan ng Enero, dalawang libo’t labingtatlo,
Nag-aaral ako noo't nasa taong ikatlo,
Tahimik akong estudyante,isang simpleng tao
Makatapos ng pag-aaral, tanging pangarap ko.

Sa yugtong ito, ang tangi lamang masasabi ko,
Iba’t ibang karanasan ay sinubok na ako,
Ngunit mawalan ng pag-asa, wala sa isip ko,
Tuloy lamang ang buhay, iyan ang laging sambit ko.

Noon ri’y nakakilala ng iba’t ibang tao,
Mga taong nagpangiti at nagbigay-motibo
Kasama sa kasiyahan maging kalungkutan ko
Na taong magpapatibok pala nitong puso ko.

Masaya sa una, oo ganyan naman talaga
Ngunit kaakibat nito ang sakit na dala
Ng naranasang pag-ibig sa isang sinisinta
Na sa huli'y iiwan ka rin palang nag-iisa.

Maaaring sa akin kayo nga ay nagtataka
Sa mura ko pa lamang edad ako’y nagmahal na,
Nasaktan, iniwan at hindi na nga binalikan
Mga taong parte na lang ng aking nakaraan.

Subalit balikan na natin ang tunay na takbo ,
Ng aking kwento na sa inyo'y ibabahagi ko
Isang gurong nagsasanay, noo’y nakilala ko
Titser namin s'ya noon sa sabdyek na Filipino.

Isa ito sa asignaturang paborito ko,
Kaya naman sa guro ko,humanga na rin ako
Isang ngiti n'ya pa lang kumpleto na ang araw ko
Kaya 'pag lalapit na s'ya, naiilang na ako.

Marahil mali nga na ibigin ang tulad niya
Ngunit walang magagawa 'pag puso ang nagdikta
Walong taon ang pagitan ng edad ko at niya
'Di iyon sukatan kapag tunay ang nadarama.

Ang inakala kong pantasya, totoo na pala
Nagkapalagayan na ng loob kaming dalawa
Hindi inihayag bagkus inilihim sa iba
Para sa seguridad naming dal'wa.

Marami mang humadlang sa aming pag-iibigan,
Subalit magkasama namin itong nalampasan
Sapagkat kaming dalawa'y mayroong sinumpaan
Magmamahalan hanggang sa dulo ng walang hanggan!