LOVE KO SI SIR!
ni Mhegie E. Datinggaling
ni Mhegie E. Datinggaling
“Tentenenen-tentenenen-tentenenen-ten-tentenenen…”
Unti-unting
pumapatak ang luha sa aking mga mata habang naglalakad ako papalapit sa altar
kasabay ng pagtugtog ng awiting ito.
Hindi ko mapigilang umiyak sapagkat ito na ang araw na pinakahihintay
naming dalawa. Ang espesyal na araw kung
kailan ikakasal ka na sa taong pinakamamahal mo. Pakiramdam ko’y ako na yata ang pinakamasaya
at pinakaswerteng babae noong araw na iyon.
Lahat ng magagandang alaala ay waring nagbalik sa aking gunita sa mga
sandaling iyon. Bigla tuloy sumagi sa
aking isipan noong una kaming magkakilala ni Kian.
Nasa
ikatlong taon ako noon sa hayskul nang may mga student teacher na dumating sa
aming paaralan. Dalawa sa kanila ang
naitalagang magsanay na magturo sa amin.
Madalas na lamang akong dumalo sa aming klase noon sapagkat miyembro ako
ng mga manunulat sa aming pahayagan.
Abalang-abala kami ng mga panahong iyon dahil nalalapit na ang
DSPC. Naikwento sa akin ng kaibigan ko
na crush daw nila si Sir Lenon. Nakakakilig
daw itong magturo at mahilig magbiro at magpahula ng logic. Nang minsang umatend ako sa aming klase sa
Physics ay agad rin akong humanga sa kanya.
Ngunit iyon naman ay hanggang paghanga lamang sapagkat ipinaliwanag nila
sa amin na nasasaad sa kanilang ‘code of ethics’ na ipinagbabawal ang
pakikipagrelasyon sa mga estudyante.
Ginawa lamang namin siyang inspirasyon at talaga namang ginaganahan kami
kapag ang sabdyek na ay Physics.
Ibinigay niya sa amin ang kanyang cellphone number at nakakatext namin
siya upang makipagkumustahan. Hanggang
sa dumating na ang araw ng aming pagpunta sa Naujan upang lumahok sa DSPC. Gabi noon at habang naghahanda na kami para
sa contest kinabukasan ay katext ko rin si Sir Lenon. Bigla niyang naitanong kung gusto ko raw ng
numero ni Sir Kian --S.T. namin sa
Filipino, binigay niya ito sa akin at tinext ko naman agad. Nagpakilala ako sa kanya at nang malaman
niyang isa ako sa mga kasama sa DSPC ay sinabi niyang balitaan ko siya sa
magiging panalo ng aming pahayagan.
Lingid sa aking kaalaman na dati pala siyang editor-in-chief ng aming
pahayagan. Noong araw na ng awarding ay
kaagad ko namang sinabi sa kanya ang mga nakuha naming panalo. Hanggang sa makauwi na kami ay nagkakapalitan
pa rin kami ng mensahe ngunit hindi pa naman niya ako nakikita sa personal. Sa cellphone lamang kami ganoon ka-close
dahil kapag nasa loob na ng silid ay seryoso na ang lahat.
May
kung anong paghanga ang naramdaman ko noong makita ko siyang nagtuturo sa
unahan. Nabighani ako sa dalawang
malalim niyang biloy na palaging lumalabas sa tuwing siya’y nagsasalita. Kahit galit na siya at nayayamot sa kaingayan
namin ay nakangiti pa rin. Hindi ko
mawari ang saya at kilig na nadarama ko kapag siya na iyong nasa unahan. Simula noon ay nawala na ang paghanga ko kay
Sir Lenon ay siya na lagi ang sinusubaybayan ko. Nang
minsang maitanong ko sa kanya kung kilala ba niya ako sa personal ay isinagot
niyang “Hindi pa ineng, ime-meet kita bukas”.
Kahit sa mga ganoong text lang, talon na agad ang puso ko sa kilig. Makita ko lamang siya ay buo na ang maghapon
ko at gusto ko palaging oras na agad ng Filipino. Dumating nga ang araw na nagsasagot kami noon
sa ibinigay niyang pagsusulit, bigla niyang itinanong, “Sino si Mhegie”? Tumaas
ako ng kamay at ngumiti na lamang nang palihim.
Sa
paglipas ng mga araw ay mas lalo kaming nagiging malapit sa isa’t isa ngunit sa
text lamang naman. Hindi ako nageexpect
na balang araw ay magugustuhan niya rin ako sapagkat titser siya at estudyante
niya naman ako. Isang araw, habang
magkatext kami ay inamin niya sa akin na gusto niya raw ako. Ginawa ko lamang biro ang sinabi niyang iyon
sapagkat alam kong malabo na mangyari yun.
Habang tumatagal ay napapansin kong parang nagbabago na nga ang
pagtingin niya sa akin. Inulit ko sa
kanya ang sinabi nila noon na bawal magkaroon ng relasyon ang katulad naming
dalawa. Ngunit nagulat ako sa sagot
niya. “Oo,alam kong bawal, pero yun ang
nararamdaman ko. Kahit anong pigil ko,
ikaw na talaga ang tinitibok ng puso ko.”
Nagkapalagayan kami ng loob at nilihim namin ang lahat para walang
mapahamak. Alam kong mali pero nadala na
rin ako ng emosyon ko. Di nagtagal ay
ipinaalam ko rin ito sa apat kong kaibigan sapagkat kailangan ko rin ng payo
nila at alam kong mapagkakatiwalaan ko sila.
Sa tuwing nasa unahan siya ay hindi ako makatingin ng diretso sa kanya
dahil nahihiya ako at baka mahalata lang kami.
Batid sa kaalaman ng mga kaklase ko na crush ko siya kaya’t tuwing
tatawagin niya ako ay nagsisigawan
sila. Dumating rin ang oras na nanligaw
na siya at naging kami bago sila gumradweyt.
Maraming
naging hadlang sa pagmamahalan naming dalawa ngunit hindi kami basta nagpatinag
dito. Isa na rito’y ang relihiyon. Bawal na bawal sa relihiyon nila ang
pakikipagrelasyon sa ibang relihiyon.
Marami ring pagsubok ang sumubok sa tatag ng aming pagmamahalan ngunit pinanindigan namin ang pangako sa isa’t
isa na kaming dalawa ang magkasama habambuhay. Walong taon ang pagitan ng aming edad at noon
ko rin napatunayan na hindi hadlang ang edad kung tunay kayong nagmamahalan.
“Jaymee,
tinatanggap mo ba? Jaymee? Nagising na lamang ang aking diwa nang mga oras na
iyon. Nakatatlong tanong na pala ang
paring nagkakasal sa amin habang ako’y nakatulala lamang. Mabilis ko siyang tinugon ng “Opo Father!”
Noo’y muling napunan ng labis na kasiyahan ang aking puso. Sa huli’y narito kami ngayon sa harap ng
altar at nangangakong magsasamang habambuhay sa hirap at ginhawa… Tunay na
masasabi kong napaka-komplikado ng naging kwento ng aming pagmamahalan. Lahat nga pala ng love story ay may happy
ending at yun ay nakadepende sa inyong dalawa.
Masalimuot man sa una, kahit anong mangyari ay LOVE KO pa rin SI SIR!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento