Miyerkules, Marso 8, 2017

Naudlot na Sandali (KWENTO)




NAUDLOT NA SANDALI
ni Mhegie E. Datinggaling

Tunay na ang buhay ay punong-puno ng sorpresa.  Hindi mo mababatid kung kailan at saan mo ito maaaring masalubong sa landas na iyong tinatahak sa buhay.  Wala ka ni anumang ideya kung ito ma’y magdudulot sa iyo ng saya, pagkalungkot o maging pagkabigo man.
Tiktilaok! Tiktilaok!
Kasabay ng nakabibinging pagtilaok ng mga manok ng aming kapitbahay ang walang katapusang panggigising sa akin ng alarm clock ko tuwing umaga.  Si inay.  Nakaririndi man ang boses niya tuwing umaga dahil sa tulog-mantika niyang mga anak, mapapabangon ka na lamang talaga kapag nalanghap mo na ang mabango at nakahahalinang amoy ng masasarap niyang luto tuwing agahan.  Tatlo na lamang kami ngayong magkakapatid.  Apat sana, nawala nga lang daw si Kuya nung bata pa siya sa mall.  Hanggang ngayon, wala kaming balita kung nasaan siya.  Ginawa naman nina Inay lahat ng paraan para mahanap siya.
Ewan ko kung bakit parang kakaiba ang araw na ito para sa akin.  Nakangiti akong gumising at kaagad nagtungo sa paborito kong tambayan.  Ang kusina.  Ako na lang pala ang hinihintay.  Napansin ni Inay ang kakaibang awra ko ngayon kumpara raw sa dati kong busangot na mukha tuwing gigising sa umaga. 
“Oh Grace, alas singko pa lang ng umaga ah, himala naman sa ihip ng hangin ngayon at maaga kang bumangon? Pang-aasar na tanong ni Inay.  “Hindi ko nga rin po alam eh, basta ang ganda lang ng panaginip ko ‘Nay,  magiging Miss Universe 2018 daw ako ‘Nay! Matagal ko nang pangarap yun ‘diba?  Tapos, habang nagpipicture taking daw tayo ‘Nay, biglang dumating si Lee Min Ho.  Nagpropose siya sa akin ‘Nay, iniaro niya sa akin yung singsing sa harap ng maraming tao sabay tanong na “Will you marry me?  Oh my god! Ang haba talaga ng hair ko nun,  tapos sabi ko “YES”, sabay yakap niya sa akin.  Ang daming camera nun, tuwang-tuwa sila sa akin at nagsinggitan pa yung mga babae.  Sobrang saya ko nun ‘Nay, hindi ko na siya talaga natanong kung paano at saan niya ako nakilala at nagustuhan.  Tinanong ko siya ‘Nay kung saan ang honeymoon namin, ngumiti siya sabay sabing “Miss Grace, I’m done with my shooting.  Thank you for your cooperation! Hope to see you again.” 
Mapang-asar na tawa lamang ang isinagot ni Inay at ng dalawang kong kapatid.  “Sobrang taas talaga ng pangarap mo Maria Gracia, sa lahat na yata ng kwento mo puro nasasaktan ka lang sa huli.  Hay nakung bata ito, kumain ka na nga lamang diyan at mabubusog ka pa, pang-aasar pa niya.  Iyan lang madalas ang araw-araw naming sitwasyon sa bahay.  Sabi nga ng karamihan, para lamang daw kaming magbabarkada kapag magkakasama.  Mukhang dalaga pa kasi si Inay, si Tatay naman ayun, maaga laging umaalis sa bahay para magtrabaho sa opisina.
Nakalimutan kong Sabado nga pala ngayon.  Nagmadali na akong kumain, nagligo ng halos tatlumpung minuto lamang.  Oo, pinakamabilis ko na talaga iyon sa banyo.  Nagbihis lang ako, konting make-up at lipstick sabay paalam kaagad kay Inay na manonood nga pala kami ng sine ng mga bestfriends ko.  Magliliwaliw muna kami nang bahagya kasi sobrang abala na namin nitong mga nagdaang araw sa kanya-kanya naming mga trabaho.    
Walang tigil sa pagchat at text sa akin sina May, Chelle, Dana at Jana kasi ako na lang daw ang hinihintay nila.  Nag-aabang na ako ng sasakyan sa kanto subalit puro puno naman ang dyip na tumitigil sa tapat ko.  Hindi na lamang ako sumasakay kasi alam kong sikip na at ayaw ko nang ipagsiksikan pa ang sarili ko sa kanila.  Kung sa baral naman ng dyip ako pauupuin, ramdam ko talagang parang sabit lang ako sa kanila.  Buti na nga lamang at may dumaan kaagad na dyip na mga anim lang ata ang sakay, syempre kasama yung drayber at konduktor, bale apat lang ang pasahero.  Nagmamadali akong sumakay dito at feel na feel ko talaga ang pag-upo ngayon kasi luwag naman kami at parang kasalan pa ang dagundong ng musika ni manong drayber.  Napakunot-noo na lang ako bigla nang ilipat niya ang kanta.  Akala ko pa naman madadala ko ang ganda ng gising ko kaninang umaga hanggang mamayang hapon.  Maraming Salamat sa ‘Kulang Ako kung Wala Ka’ na kantang iyan.  Sawang-sawa na akong marinig ang kantang iyan.  Bakit ngayon pa, kung kailang nakalimutan na kita?  Kinamumuhian ko na talaga ang kantang iyan ngayon.  Ayoko nang marinig pa dahil binabalik lamang nito ang lahat ng sakit na naramdaman ko noon.  Pero ito talaga ang katotohanan eh,  kulang nga talaga ako kung wala ka.  Ang paborito kong kanta, tatlong taon na ang nakalilipas. 
“Baby, ano ngang petsa ngayon?   Tanong nung lalaking katapat ko sa upuan sa babaeng katabi niya.  “It’s March 07 baby, sagot nung babae.”  Ano ba ‘yan, ang baduy ng tawagan, nasabi ko na lamang sa isip ko habang tinititigan sila.  At magkaholding hands pa ha, naka-couple shirt pang blue.  Ganyan din kami dati, naku alam ko na ang future ng dalawang ito. Maghihiwalay din po kayo! Tiningnan ko ang oras sa cellphone ko, pero ang sakit sa puso nang makita kong oo nga, MARCH 07 nga pala ngayon.  Ibinaling ko na lamang ang paningin ko sa daan habang nakikinig sa walang sawang kantang iyon.  Parang dinudurog muli ang puso ko nang magbalik lahat sa aking gunita ang piraso ng sugat at alaalang naiwan sa akin ni Matthew, ang lalaking nagturo sa akin kung paano magmahal nang sobra.
          Nasa ikatlong taon ako noon sa hayskul nang makilala ko si  Matthew, isa sa mga hearthrob noon sa aming paaralan.  Lahat yata ay nasa kanya na.  Mabait, gwapo, matalino, maginoo, magaling gumuhit at higit sa lahat magaling sumayaw.  Una kaming nagkita noong umuulan at nakita niya ako sa waiting area na nag-iisa at naghihintay ng pagtigil ng ulan.  Naramdaman ko talagang biglang bumilis ang tibok ng puso ko nun nang nakita kong papalapit siya sa akin.  Matagal kaming nagkakwentuhan doon hanggang sa mabanggit ko sa kanya na sumasayaw rin ako noon kaya’t pinilit niya ako na pumunta sa audition nila hanggang sa mapapayag niya ako.  Hindi talaga kami close ni Matthew pero napagtanto kong mabait ng pala siya.  Biruin mo yun, siya lamang ang nagmalasakit na damayan ako sa lakas ng buhos ng ulan.  Ang mga kaibigan ko kasi, may kanya-kanyang date nun.  Sa kabutihang palad, nakapasok ako sa audition kasi naman siya ang choreographer ng grupo.  Pakiramdam ko talaga noon, crush na niya ako.  Kung makatingin kasi siya lagi, para na akong matutunaw.  Ang haba kasi talaga ng buhok ko nun.  Magaling siyang magturo, palabiro, at higit sa lahat mahusay makisama.  Maraming nagkakacrush sa kanya at isa na nga ako roon.  Hiningi niya ang cellphone number ko.  “Oops Grace, bawal ma-fall, bulong ko nun sa sarili ko”.  Hindi ko akalain na ganoon na lang kami magiging malapit sa isa’t isa.  Maraming nagtetext sa kanya pero ako lang daw madalas ang binibigyan niya ng higit na atensyon.  Lumipas ang ilang araw at buwan, inamin niya na sa akin nang tuluyan ang kakaibang nararamdaman niya sa akin, humanga raw siya sa akin.  Simple at maganda.  Hindi ko alam kung anong sasabihin ko noon sa kanya.  Hindi pwede iyon.  Alam ko. 
          Pinaiwas ko siya sa akin kasi baka nabibigla lamang siya sa nararamdaman niya.  Sinabi niya sa akin na hindi niya raw kaya kasi habang tumatagal ay mas lalo siyang nahuhulog sa akin.  Hindi niya raw maipaliwanag ang pakiramdam na iyon.  Ganyan daw talaga ang pusong nagmamahal, hindi mo maaaring diktahan sapagkat kusa itong tumitibok sa taong gusto mong maging kabiyak sa buhay.  Hindi ko lubos maisip na hindi lamang pala ako tuturuan ni Matthew ng mga dance steps kundi tuturuan niya rin pala akong magmahal sa unang pagkakataon. Mas lalong lumalim ang mutwal na pagtingin namin sa isa’t isa.  Hindi ko na rin natiis na hindi aminin sa mga kaibigan ko kung anong meron kami.  Suportado naman nila ako sa lahat ng desisyon ko.  Wag lamang daw akong magsisisi sa huli.  Unang beses ko pa lamang talagang siyang nasilayan, humanga na agad ako sa kanya, may naaalala nga akong kahawig niya kaso hindi ko matukoy kung sino.  Sa buong pagkatao ni Matt.  Akala ko crush-crush lang talaga, ni minsan noon ay ‘di man lamang pumasok sa isipan ko ang anumang bagay kasi wala pa akong nagiging boypren noong mga panahong iyon.  Ganoon pa talaga kainosente ang utak ko sa mga bagay na ganoon.
          Lumipas ang ilang buwan, ikapito ng Marso, alas nuebe ng umaga nang binigay ko sa kanya ang matamis kong oo.  Iyon na ata ang pinakamasayang araw sa buhay naming dalawa.  Mas lalo kong naintindihan noon ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.  Mas lalo niyang ipinaramdam sa akin kung gaano ako kahalaga at espesyal sa buhay niya.  Mas lalo siyang naging malambing at mapagmahal sa akin.  Nakatapos na rin siya sa kolehiyo, ngunit hindi doon matatapos ang love story namin.  Ilang taon pa ang lumipas, tumuntong na rin ako sa kolehiyo at siya naman ay natanggap na sa trabaho sa isang kompanya.  Mas pinili niyang doon magtrabaho kaysa maging sikat na dancer sapagkat malalayo lamang daw kami sa isa’t isa.  Araw-araw kaming magkatext, magkausap at nagkikita kapag walang pasok.  Ngunit tila nagbago ang lahat nang magsimula siyang maging abala sa trabaho niya.  Napromote kasi siya kaya’t mas naging marami ang trabahong iniatang sa kanya.  Lumilipas na ngayon ang  isang linggo na hindi man lamang siya nagpaparamdam.  Kung magtext man siya, wala na ang dating sweetness kumbaga.  Sobra kong dinamdam ang pagbabago sa kanya. 
          Alam kong maliit na pagsubok lamang sa relasyon namin ito.  Naisip kong abala lang siya sa trabaho at kailangan ko lamang siyang intindihin dahil sa sobrang dami ng ginagawa niya.  Nag-aaral pa rin naman ako, at ginawa ko na lamang siyang inspirasyon sa lahat ng ginagawa ko.   Isang araw, nagulat na lamang ako nang bigla siyang dumating sa bahay namin.  May dalang teddy bear at ang paborito kong tsokolate, peace offering niya raw.  Oo, pareho na kaming legal sa mga pamilya namin at masaya naman sila para sa amin.  Noon ay ipinaliwanag naman niya sa akin ang dahilan kung bakit hindi siya minsan makatext o makatawag sa akin dahil sa sobrang dami lamang ng ginagawa nila sa kumpanya.  Humahanap naman daw siya lagi oras para makausap ako at makumusta. 
          Marami man kaming pinagdaanan sa aming relasyon, hindi namin nagawang sumuko sa isa’t isa.  May mga isyu man ng selos, kawalan ng oras sa isa’t isa ay may isa pa rin lagi sa aming dalawa na nagpapakumbaba at nagpapalamig.  Mag-aaway lamang kami at hindi kailanman kami maghihiwalay.  Ilang taon rin ang lumipas at hindi nagbago ang pagmamahalan namin sa isa’t isa.   Nakatapos na rin ako sa kolehiyo, na pangarap naming dalawa at hindi kalauna’y nagdesisyon na rin kaming magpakasal.  Dahil pareho na kami ngayong may trabaho, pinaghandaan namin nang mabuti  ang preparasyon para sa natatanging araw naming dalawa.  Hindi na kami makapaghintay sa araw na iyon at pareho kaming sabik na magpalitan ng pangakong panghabambuhay na magsasama sa hirap man o ginhawa.
          Isang araw, bago ang araw ng kasal nina Grace at Matthew, isang masamang balita ang nakarating sa pamilya ng dalawa.  Halos gumuho ang langit at lupa nang malaman nila ito sapagkat saksi sila lahat sa wagas na pag-ibigan ng dalawa.  Naaksidente sila sa minamaneho ni Matthew na kotse dahil sa pag-iwas nito sa dumadaang bata.  Malubha ang kalagayan ng dalawa ngunit mas malabo ang tyansang magising ni Grace.  Nagising lamang si Matthew isang linggo ang lumipas.  Si Grace kaagad ang hinanap niya at hindi siya napigilan ng nars na puntahan sa katabi niyang rum si Grace na ilang araw pa ring coma.  Humingi siya ng tawad dito at sinisi ang sarili sa hindi pag-iingat sa pagmamaneho.  “Grace, mahal na mahal kita.  Hindi ko kakayanin kapag nawala ka sa buhay ko.. Patawarin mo ako Grace, gumising ka na, ‘diba magpapakasal pa tayo.  Paano na ang mga pangarap natin Grace, umiiyak na sabi niya”.  Nakita niya ang mga luhang unti-unti ring pumatak buhat sa mga mata ni Grace.
          Ilang araw, linggo at buwan na ang lumipas subalit hindi pa rin nagigising si Grace.  Patuloy lamang na binantayan ni Matthew si Grace.  Hindi siya nagsasawang bisitahin ito pagod man sa maghapong trabaho sa opisina.  Hindi siya nawawalan ng pag-asa na isang araw ay magigising ang minamahal at matutupad na nila ang pangarap nilang dalawa.  Si Matthew ay isang mahusay na empleyado sa kanilang kumpanya at mahusay siyang makisama sa kapwa niya mga katrabaho.  Isa sa mga malapit niyang ka-empleyado ay si Miss Lovely, na dati na ring pinag-awayan nila ni Grace noon sa sobrang close ng dalawa.  Siya ang naging sandalan ni Matthew at nagpapalakas ng loob nito para sa kanila ni Grace.  Walong buwan na ring coma si Grace at sa bawat araw na magkasama sila ni Miss Lovely sa opisina ay nagkaroon siya ng lihim na pagtingin dito.  Maganda si Miss Lovely at masayang kasama.  Ramdam niya iyon sapagkat matagal na silang magkakilala at sa tuwing magkasama sila ay napupunan nito ng saya ang puso ni Matthew.  Halata sa mga kilos ni Miss Lovely na may pagtingin din ito sa lalaki.    
          Isang araw na hindi nagpakita si Matthew sa mga magulang ni Grace ni hindi rin ito dumalaw sa ospital.  Nakokonsensya siya sa nararamdaman niya at napagtanto nito ang pagtataksil na ginagawa niya.  Umiinom siya ng alak habang iyak ng iyak.  Biglang nagbalik lahat sa gunita niya ang lahat ng magagandang alaala nilang dalawa ni Grace.  Kung paano sila nagkakilala, kung paano siya nito sinagot at lahat ng mga pangarap na binuo nilang magkasama.  Alam ng puso niya na si Grace lamang talaga ang mahal at tunay na laman ng puso niya.  Gumawa siya ng isang liham dito ukol sa maling naramdaman niya kay Miss Lovely at humingi rin siya ng tawad kay Grace sa lahat.  Ipinangako niyang kapag nagising na kaagad si Grace ay magpapakasal na kaagad sila.  Sinabi niya rin sa liham kung gaano niya kamahal ang babae.  Kaagad siyang nagtungo sa ospital upang dalhin ang liham na iyon.  Bumili rin siya ng isang bouquet ng rosas at ng paboritong tsokolate nito. 
          Medyo nakainom si Matthew, habang nagmamaneho siya ng motorsiklo, biglang tumawag ang nanay ni Grace.  “Hello po Tita, pupunta na po ako dyan ngayon, aniya”.  “Sige Matthew, tamang-tama kasi nagising na si Grace, masayang sagot nito”.  Nang malaman ang magandang balitang iyon ay mas binilisan niya ang patakbo ng motorsiklo at hindi na makahintay na muling makausap at marinig ang boses ni Grace.  Pagdating sa ospital, nagmamadali siyang nagtungo sa silid kung nasaan si Grace.  Nakangiti ito sa kanya nang pumasok siya sa pinto.  Nag-uumapaw na tuwa ang naramdaman ni Matthew at ng buong pamilya ni Grace dahil lahat sila ay nakilala kaagad nito.  Maraming napagkwentuhan ang buong pamilya upang aliwin si Grace.  Napag-usapan na rin ulit nila ang kasal ng dalawa dahil alam nilang ito lamang ang tanging pangarap nina Grace at Matthew.  Ilang araw lamang ang lumipas at mabilis ang naging paggaling at paglakas ni Grace.  Pinayagan na siya ng doktor na makauwi sa ospital.
          Talos sa mukha nina Grace at Matthew ang labis na ligaya sapagkat lalabas na ito ng ospital at kinabukasan din ay tuloy na tuloy na ang pinakahihintay nilang sandali.  “Sige na Matthew, mauna na kayo sa sasakyan ni Grace.  Ako na ang bahalang magdala ng ibang gamit dito”, mariing wika ng nanay ni Grace.  Kaagad na nagtungo ang dalawa sa sasakyan sa labas at nagtaka sila sa matagal na pagdating ng nanay ni Grace sapagkat isang bag na lamang naman ang naiwan doon na dala-dala nito.  Medyo nainip din sila sa paghihintay kaya’t nagpaalam si Matthew kay Grace upang bumili muna ng maiinom.  Kinapa niya sa bulsa niya sa likod  ng suot niyang pantalon na grey ang kanyang pitaka subalit nawawala ito.  Naisip niyang baka naiwan niya ito sa rum ni Grace kaya’t nagdesisyon na itong pumunta doon at kaunin na rin ang nanay ni Grace.
          Kaya pala ganoon ay sinigurado ng nanay ni Grace na walang anumang bagay o gamit silang maiiwan.  Bitbit ang isang bag na may lamang ilang piraso lamang ng damit ni Grace ay lumabas na siya sa  silid.  Akmang sasaraduhan na sana niya ang pinto nang biglang may naaninag siyang kung anong bagay sa ilalim ng lamesa.  Dinampot niya ito at nagulat siyang isa itong pitakang leather na kulay brown.  Binuklat niya ito nang may katapatan upang siguraduhin kung sinong nagmamay-ari at maisauli rin kaagad.  Hindi niya napigilan unti-unti ang pagpatak ng mga luhang nagbubugso ng labis na pangungulila at pagkalito sa kanyang nasaksihan buhat sa nasaksihan dito.  Isang larawan na pilit ibinalik mula sa nakaraan ang lahat ng kanyang naging kapabayaan at labis na pagsisisi.  Patuloy pa rin siya sa pagluha nang makarinig ng ilang yabag ng sapatos na wari niya’y papasok sa silid.  Si Matthew.  Nakangiting bumungad sa kanya si Matthew at waring nagugulumihanan sa kanyang labis na pag-iyak nang madatnan doon.  “Tita, bakit po kay…”, ang tanging nasambit ni Matthew nang bigla niya itong yakapin nang mahigpit. Yakap na matagal na niyang inaasam sa ilang taong pagtitiis at pangungulila.  Hindi lubos na maunawaan ni Matthew ang mga pangyayari.

-WAKAS-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento