Miyerkules, Marso 8, 2017

Jeepney Lovestory (KWENTO)



JEEPNEY LOVESTORY
ni Mhegie E. Datinggaling


          “Ayoko nang pumara kahit san mapunta, ayoko nang pumara kung ikaw ang kasama..
           Ayoko nang pumara,ayoko nang pumara,ayoko na… KUNG IKAW ANG KASAMA”!

          Kasabay ng pagsikat ni Haring Araw ay ang walang tigil na pagtunog ng nakaririnding alarm clock ko tuwing umaga.  Waring nagbabadya ng panibagong umaga at panibagong mga pangyayari na naman ang aking mararanasan.  Hayyyy…Lunes na naman. Nakakatamad bumangon mula sa aking pagkakabaluktot dito sa kama subalit kinakailangan kong gawin sapagkat mahuhuli na naman ako sa pagpasok ko sa eskwela.  Makapagpost muna kaya sa fb? Pagtingin ko sa cellphone ko, hala????? Alas-syete na ng umaga? Dali-dali akong naligo,nagbihis at nagsipilyo sabay alis agad ng bahay dahil mamamarkahan na naman ako ng “absent” sa 7:30 kong klase na PE. 
          Ilang minuto na akong naghihintay sa waiting shed subalit wala pa ring dumadaang dyip na hindi puno ang sakay.  Sabagay, sanay na naman akong maghintay.  Parang pag-ibig lang yan eh.  Lagay na ang loob ko na late na talaga ako.  Sa ilang saglit pa ay tumigil ang isang dyip sa  harap ko.  Minasdan kong halos puno at sikip na ito maliban na lamang sa upuan sa may kanang bahagi sa pagitan ng isang matandang babae at isang lalaking estudyante.  Kaagad akong umupo rito kahit halos malaglag na ako sa kinauupuan ko.  Unti-unti rin naman akong nakaupo nang maayos sapagkat may ilang pasahero na rin ang bumaba.  Nang itetext ko na sana ang isa sa kaklase ko, nakita kong may panyo na iniaabot sa akin yung lalaking katabi ko sa kaliwa.  Napaisip ako kung bakit niya ako inaabutan ng panyo at napansin ko na lamang na nalaglag pala ang panyong hawak ko.  Pagtingin ko sa kanya, nakangiti siya at napangiti na rin ako sabay sabing, “Salamat!”
          Napatalikod ako sa kanya nang nakangiti pa rin dahil nakakakilig talaga siyang ngumiti.  Yung “labas dimple to da highest lebel” talaga.  Ang bango-bango rin nung panyo ko na iniabot niya kaya naman walang tigil ang paglanghap ko rito.  Hindi ako nagpapahalatang kinikilig tuwing biglang mapapapreno ang drayber ng byaheng langit na dyip na iyon at mapapadikit siya sa akin ng bonggang-bongga.  Napapangiti na lamang kami sa isa’t isa kahit hindi naman kami magkakilala.  May kung anong hiwaga talaga ang naramdaman ko sa kanya nang mga oras na iyon.  Napapatulala na lamang talaga ako sa mga nangyayari.  Ayoko na talagang pumara at bumaba sa dyip na iyon kapag siya lagi ang kasama at katabi ko.  Ramdam ko talaga siya na ang “forever” ko, forever na papangarapin kasi alam ko namang hanggang pantasya na lang ako. 
          Dahil sa kanya, nawala na sa isip ko na late na nga pala ako.  Isa pa’y lampas na pala ako sa iskul na bababaan ko.  Pumara na lang ako bigla kaya naman napadikit na naman ang mga braso niya sa akin.  Kasing lalim na talaga ng dimple niya ang lalim ng feelings ko sa kanya.  Ayan, heto ako at naglalakad.  Medyo napalampas ako sa iskul namin pero balewala lang talaga lahat iyon.  Sobra pa rin akong nasiyahan at lubos ang kaligayahang naramdaman nang dahil kay Kuyang nakatabi ko sa dyip.  Hindi pa rin maalis ang ngiti sa mga labi ko habang naglalakad ako papunta sa gate. Iyon na talaga ang “JEEPNEY LOVESTORY” kong hinding-hindi ko malilimutan. 
















        


         




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento