Miyerkules, Marso 8, 2017

Sapatos ni Liza (KWENTO)



SAPATOS NI LIZA

(ni Mhegie E. Datinggaling)


 “Tiktilaok-tiktilaok-tiktilaok!”
          Iyan ang gumigising sa akin araw-araw.  Nakaririnding pakinggan subalit sanay na ako dahil ito na ang nagsilbing alarm clock ko tuwing umaga.  Ako si Liza, panganay sa limang magkakapatid.  Isa lamang akong simpleng babae na may payak lamang na pamumuhay ngunit kuntento na sa kung anong mayroon kami.  Sapat lamang ang kinikita ni Tatay mula sa pagbebenta ng mga gulay at prutas upang makakain kami ng tatlong beses sa isang araw.  Si Nanay naman ay katulong ni Tatay sa pagtatanim ng mga ibinebenta niyang gulay at prutas.  Wala na kaming ibang hinahangad pa sa kung anong klase ng buhay mayroon kami ngayon.  Sapat na sa amin ang sama-sama kaming pamilya sa lahat ng oras.   Anumang balakid ang aming kaharapin ay hindi kami nag-iiwanan at sama-sama namin itong sinosolusyunan.
          Walang ibang hiling si Tatay at Nanay kundi ang makatapos kami ng pag-aaral.  Nag-aaral sa elementarya ang apat kong kapatid at ako ay nasa ikaapat na taon na sa hayskul.  Wala rin naman kaming ibang isinusukli sa aming mga magulang kundi ang pagbutihin pa ang aming pag-aaral.  Malapit na akong grumadweyt at napakasarap isipin na ilang hakbang na lamang at maaabot ko na ang aking pangarap.  Pangarap kong maging isang guro nang sa gayon ay matulungan ko na sina Tatay sa pagtataguyod ng aming pamilya.  Kung maaari nga, hindi ko na sila hahayaang magtrabaho at lilipat na kami sa isang malaking bahay. 
          Nang minsang nakaupo ako sa isang lilim ng puno sa aming paaralan, napaisip habang minamasdan ko ang mga estudyanteng nagdaraan.  Gusto kong bilhin ang isang bagay na dati pa lamang ay pinapangarap ko na.   Gustong-gusto kong makabili ng isang bago at magandang sapatos.  Kahit alam kong walang kakayahan ang aking mga magulang na mabili ito, hindi pa rin maalis sa isip ko na sana maging posible ito.  Pumapasok ako sa paaralan ng naka-tsinelas lamang.  Nang minsang binigyan ako ng isa kong kaibigan ay nasira na rin sapagkat apat na taon ko ring ginamit.  Nang minsang ipilit ko kay Tatay na magkaroon ako ng bagong sapatos, napagtaasan niya ako ng boses na ikinasama ng loob ko sa kanya.  Paulit-ulit ko na kasi itong sinabi sa kanya at nahihili ako sa mga kaibigan ko na ibinili ng sapatos na gagamitin para sa araw ng aming pagtatapos.  Kinabukasan, isang araw bago ang aming pagatatapos,nagtungo ako sa paaralan nang hindi ako nagpapaalam kay Tatay.  Kaarawan niya pa naman ngayon at siguro’y nagtataka siya dahil unang beses kong hindi bumati sa kanya ng maaga.  Nasa malayo na ako ngunit kita kong nakatanaw pa rin siya sa akin.  Babalik na sana ako pero naisip kong bumawi na lamang sa kanya pag-uwi ko.  Dadalhan ko siya ng paborito niyang pansit.  Pinag-ipunan ko ito ng ilang araw para lamang masiyahan siya sa kaarawan niya.
          Sabik na sabik akong umuwi nang araw na iyon.  Dali-dali akong nagtungo kaagad sa aming tahanan pagkatapos ng klase namin dala ang isang supot ng pansit upang mapagsaluhan namin.  Natanaw ko na kaagad na maraming tao sa bahay naming kaya’t mas binilisan ko pa ang paglalakad. Ngunit nagkamali ako sa inaakala kong handaan ang dadatnan ko.  Bumungad sa akin ang kabaong at mga ilaw.  Napatulala na lamang ako nang makita ko siya.  Humagulhol ako ng iyak lalo na nang makita ko ang isang pares ng sapatos sa may upuan.  Binili raw ito ni Tatay para sa akin ngunit noong pauwi na siya ay naaksidente ang sinasakyan niyang traysikel.  Walang tigil ang pag-iyak at paghingi ng tawad ko kay Tatay.  Gustong-gusto ko siyang yakapin nang mga oras na iyon at ibigay ang dala kong pansit sa kanya.  Huli na ang lahat at ni hindi ko man lang siya nabati sa kaarawan niya.  Nagsisi ako at sinisi ko ang sarili ko.  Kung hindi ko siya pinilit ay hindi sana mangyayari ang lahat ng ito.  Ngunit naisip kong wala na talaga akong magagawa.  Patuloy pa rin ang pagtulo ng luha sa mga mata ko habang yakap-yakap ko ang sapatos na ibinili ni Tatay sa akin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento