Miyerkules, Marso 8, 2017

Magpahanggang Wakas (TULA)



“Magpahanggang Wakas”
 ni: Mhegie E. Datinggaling


Buwan ng Enero, dalawang libo’t labingtatlo,
Nag-aaral ako noo't nasa taong ikatlo,
Tahimik akong estudyante,isang simpleng tao
Makatapos ng pag-aaral, tanging pangarap ko.

Sa yugtong ito, ang tangi lamang masasabi ko,
Iba’t ibang karanasan ay sinubok na ako,
Ngunit mawalan ng pag-asa, wala sa isip ko,
Tuloy lamang ang buhay, iyan ang laging sambit ko.

Noon ri’y nakakilala ng iba’t ibang tao,
Mga taong nagpangiti at nagbigay-motibo
Kasama sa kasiyahan maging kalungkutan ko
Na taong magpapatibok pala nitong puso ko.

Masaya sa una, oo ganyan naman talaga
Ngunit kaakibat nito ang sakit na dala
Ng naranasang pag-ibig sa isang sinisinta
Na sa huli'y iiwan ka rin palang nag-iisa.

Maaaring sa akin kayo nga ay nagtataka
Sa mura ko pa lamang edad ako’y nagmahal na,
Nasaktan, iniwan at hindi na nga binalikan
Mga taong parte na lang ng aking nakaraan.

Subalit balikan na natin ang tunay na takbo ,
Ng aking kwento na sa inyo'y ibabahagi ko
Isang gurong nagsasanay, noo’y nakilala ko
Titser namin s'ya noon sa sabdyek na Filipino.

Isa ito sa asignaturang paborito ko,
Kaya naman sa guro ko,humanga na rin ako
Isang ngiti n'ya pa lang kumpleto na ang araw ko
Kaya 'pag lalapit na s'ya, naiilang na ako.

Marahil mali nga na ibigin ang tulad niya
Ngunit walang magagawa 'pag puso ang nagdikta
Walong taon ang pagitan ng edad ko at niya
'Di iyon sukatan kapag tunay ang nadarama.

Ang inakala kong pantasya, totoo na pala
Nagkapalagayan na ng loob kaming dalawa
Hindi inihayag bagkus inilihim sa iba
Para sa seguridad naming dal'wa.

Marami mang humadlang sa aming pag-iibigan,
Subalit magkasama namin itong nalampasan
Sapagkat kaming dalawa'y mayroong sinumpaan
Magmamahalan hanggang sa dulo ng walang hanggan!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento