NAUDLOT
NA SANDALI
ni
Mhegie E. Datinggaling
Tunay na ang buhay ay
punong-puno ng sorpresa. Hindi mo
mababatid kung kailan at saan mo ito maaaring masalubong sa landas na iyong
tinatahak sa buhay. Wala ka ni anumang
ideya kung ito ma’y magdudulot sa iyo ng saya, pagkalungkot o maging pagkabigo
man.
Tiktilaok!
Tiktilaok!
Kasabay
ng nakabibinging pagtilaok ng mga manok ng aming kapitbahay ang walang
katapusang panggigising sa akin ng alarm clock ko tuwing umaga. Si inay.
Nakaririndi man ang boses niya tuwing umaga dahil sa tulog-mantika
niyang mga anak, mapapabangon ka na lamang talaga kapag nalanghap mo na ang
mabango at nakahahalinang amoy ng masasarap niyang luto tuwing agahan. Tatlo na lamang kami ngayong
magkakapatid. Apat sana, nawala nga lang
daw si Kuya nung bata pa siya sa mall.
Hanggang ngayon, wala kaming balita kung nasaan siya. Ginawa naman nina Inay lahat ng paraan para
mahanap siya.
Ewan
ko kung bakit parang kakaiba ang araw na ito para sa akin. Nakangiti akong gumising at kaagad nagtungo
sa paborito kong tambayan. Ang
kusina. Ako na lang pala ang hinihintay. Napansin ni Inay ang kakaibang awra ko ngayon
kumpara raw sa dati kong busangot na mukha tuwing gigising sa umaga.
“Oh
Grace, alas singko pa lang ng umaga ah, himala naman sa ihip ng hangin ngayon
at maaga kang bumangon? Pang-aasar na tanong ni Inay. “Hindi ko nga rin po alam eh, basta ang ganda
lang ng panaginip ko ‘Nay, magiging Miss
Universe 2018 daw ako ‘Nay! Matagal ko nang pangarap yun ‘diba? Tapos, habang nagpipicture taking daw tayo
‘Nay, biglang dumating si Lee Min Ho.
Nagpropose siya sa akin ‘Nay, iniaro niya sa akin yung singsing sa harap
ng maraming tao sabay tanong na “Will you marry me? Oh my god! Ang haba talaga ng hair ko
nun, tapos sabi ko “YES”, sabay yakap
niya sa akin. Ang daming camera nun,
tuwang-tuwa sila sa akin at nagsinggitan pa yung mga babae. Sobrang saya ko nun ‘Nay, hindi ko na siya
talaga natanong kung paano at saan niya ako nakilala at nagustuhan. Tinanong ko siya ‘Nay kung saan ang honeymoon
namin, ngumiti siya sabay sabing “Miss Grace, I’m done with my shooting. Thank you for your cooperation! Hope to see
you again.”
Mapang-asar
na tawa lamang ang isinagot ni Inay at ng dalawang kong kapatid. “Sobrang taas talaga ng pangarap mo Maria Gracia,
sa lahat na yata ng kwento mo puro nasasaktan ka lang sa huli. Hay nakung bata ito, kumain ka na nga lamang
diyan at mabubusog ka pa, pang-aasar pa niya.
Iyan lang madalas ang araw-araw naming sitwasyon sa bahay. Sabi nga ng karamihan, para lamang daw kaming
magbabarkada kapag magkakasama. Mukhang
dalaga pa kasi si Inay, si Tatay naman ayun, maaga laging umaalis sa bahay para
magtrabaho sa opisina.
Nakalimutan
kong Sabado nga pala ngayon. Nagmadali na
akong kumain, nagligo ng halos tatlumpung minuto lamang. Oo, pinakamabilis ko na talaga iyon sa
banyo. Nagbihis lang ako, konting
make-up at lipstick sabay paalam kaagad kay Inay na manonood nga pala kami ng
sine ng mga bestfriends ko. Magliliwaliw
muna kami nang bahagya kasi sobrang abala na namin nitong mga nagdaang araw sa
kanya-kanya naming mga trabaho.
Walang
tigil sa pagchat at text sa akin sina May, Chelle, Dana at Jana kasi ako na
lang daw ang hinihintay nila. Nag-aabang
na ako ng sasakyan sa kanto subalit puro puno naman ang dyip na tumitigil sa
tapat ko. Hindi na lamang ako sumasakay
kasi alam kong sikip na at ayaw ko nang ipagsiksikan pa ang sarili ko sa
kanila. Kung sa baral naman ng dyip ako
pauupuin, ramdam ko talagang parang sabit lang ako sa kanila. Buti na nga lamang at may dumaan kaagad na
dyip na mga anim lang ata ang sakay, syempre kasama yung drayber at konduktor,
bale apat lang ang pasahero. Nagmamadali
akong sumakay dito at feel na feel ko talaga ang pag-upo ngayon kasi luwag
naman kami at parang kasalan pa ang dagundong ng musika ni manong drayber. Napakunot-noo na lang ako bigla nang ilipat
niya ang kanta. Akala ko pa naman
madadala ko ang ganda ng gising ko kaninang umaga hanggang mamayang hapon. Maraming Salamat sa ‘Kulang Ako kung Wala Ka’
na kantang iyan. Sawang-sawa na akong
marinig ang kantang iyan. Bakit ngayon
pa, kung kailang nakalimutan na kita?
Kinamumuhian ko na talaga ang kantang iyan ngayon. Ayoko nang marinig pa dahil binabalik lamang
nito ang lahat ng sakit na naramdaman ko noon.
Pero ito talaga ang katotohanan eh,
kulang nga talaga ako kung wala ka.
Ang paborito kong kanta, tatlong taon na ang nakalilipas.
“Baby,
ano ngang petsa ngayon? Tanong nung
lalaking katapat ko sa upuan sa babaeng katabi niya. “It’s March 07 baby, sagot nung babae.” Ano ba ‘yan, ang baduy ng tawagan, nasabi ko
na lamang sa isip ko habang tinititigan sila.
At magkaholding hands pa ha, naka-couple shirt pang blue. Ganyan din kami dati, naku alam ko na ang
future ng dalawang ito. Maghihiwalay din po kayo! Tiningnan ko ang oras sa
cellphone ko, pero ang sakit sa puso nang makita kong oo nga, MARCH 07 nga pala
ngayon. Ibinaling ko na lamang ang
paningin ko sa daan habang nakikinig sa walang sawang kantang iyon. Parang dinudurog muli ang puso ko nang
magbalik lahat sa aking gunita ang piraso ng sugat at alaalang naiwan sa akin
ni Matthew, ang lalaking nagturo sa akin kung paano magmahal nang sobra.
Nasa ikatlong taon ako noon sa hayskul
nang makilala ko si Matthew, isa sa mga
hearthrob noon sa aming paaralan. Lahat
yata ay nasa kanya na. Mabait, gwapo, matalino,
maginoo, magaling gumuhit at higit sa lahat magaling sumayaw. Una kaming nagkita noong umuulan at nakita
niya ako sa waiting area na nag-iisa at naghihintay ng pagtigil ng ulan. Naramdaman ko talagang biglang bumilis ang
tibok ng puso ko nun nang nakita kong papalapit siya sa akin. Matagal kaming nagkakwentuhan doon hanggang
sa mabanggit ko sa kanya na sumasayaw rin ako noon kaya’t pinilit niya ako na
pumunta sa audition nila hanggang sa mapapayag niya ako. Hindi talaga kami close ni Matthew pero
napagtanto kong mabait ng pala siya.
Biruin mo yun, siya lamang ang nagmalasakit na damayan ako sa lakas ng
buhos ng ulan. Ang mga kaibigan ko kasi,
may kanya-kanyang date nun. Sa
kabutihang palad, nakapasok ako sa audition kasi naman siya ang choreographer
ng grupo. Pakiramdam ko talaga noon,
crush na niya ako. Kung makatingin kasi
siya lagi, para na akong matutunaw. Ang
haba kasi talaga ng buhok ko nun.
Magaling siyang magturo, palabiro, at higit sa lahat mahusay makisama. Maraming nagkakacrush sa kanya at isa na nga
ako roon. Hiningi niya ang cellphone
number ko. “Oops Grace, bawal ma-fall,
bulong ko nun sa sarili ko”. Hindi ko akalain
na ganoon na lang kami magiging malapit sa isa’t isa. Maraming nagtetext sa kanya pero ako lang daw
madalas ang binibigyan niya ng higit na atensyon. Lumipas ang ilang araw at buwan, inamin niya
na sa akin nang tuluyan ang kakaibang nararamdaman niya sa akin, humanga raw
siya sa akin. Simple at maganda. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko noon sa
kanya. Hindi pwede iyon. Alam ko.
Pinaiwas ko siya sa akin kasi baka
nabibigla lamang siya sa nararamdaman niya.
Sinabi niya sa akin na hindi niya raw kaya kasi habang tumatagal ay mas
lalo siyang nahuhulog sa akin. Hindi
niya raw maipaliwanag ang pakiramdam na iyon.
Ganyan daw talaga ang pusong nagmamahal, hindi mo maaaring diktahan
sapagkat kusa itong tumitibok sa taong gusto mong maging kabiyak sa buhay. Hindi ko lubos maisip na hindi lamang pala
ako tuturuan ni Matthew ng mga dance steps kundi tuturuan niya rin pala akong
magmahal sa unang pagkakataon. Mas lalong lumalim ang mutwal na pagtingin namin
sa isa’t isa. Hindi ko na rin natiis na
hindi aminin sa mga kaibigan ko kung anong meron kami. Suportado naman nila ako sa lahat ng desisyon
ko. Wag lamang daw akong magsisisi sa
huli. Unang beses ko pa lamang talagang
siyang nasilayan, humanga na agad ako sa kanya, may naaalala nga akong kahawig
niya kaso hindi ko matukoy kung sino. Sa
buong pagkatao ni Matt. Akala ko
crush-crush lang talaga, ni minsan noon ay ‘di man lamang pumasok sa isipan ko
ang anumang bagay kasi wala pa akong nagiging boypren noong mga panahong
iyon. Ganoon pa talaga kainosente ang
utak ko sa mga bagay na ganoon.
Lumipas ang ilang buwan, ikapito ng
Marso, alas nuebe ng umaga nang binigay ko sa kanya ang matamis kong oo. Iyon na ata ang pinakamasayang araw sa buhay
naming dalawa. Mas lalo kong
naintindihan noon ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Mas lalo niyang ipinaramdam sa akin kung
gaano ako kahalaga at espesyal sa buhay niya.
Mas lalo siyang naging malambing at mapagmahal sa akin. Nakatapos na rin siya sa kolehiyo, ngunit
hindi doon matatapos ang love story namin.
Ilang taon pa ang lumipas, tumuntong na rin ako sa kolehiyo at siya
naman ay natanggap na sa trabaho sa isang kompanya. Mas pinili niyang doon magtrabaho kaysa maging
sikat na dancer sapagkat malalayo lamang daw kami sa isa’t isa. Araw-araw kaming magkatext, magkausap at
nagkikita kapag walang pasok. Ngunit
tila nagbago ang lahat nang magsimula siyang maging abala sa trabaho niya. Napromote kasi siya kaya’t mas naging marami
ang trabahong iniatang sa kanya.
Lumilipas na ngayon ang isang
linggo na hindi man lamang siya nagpaparamdam.
Kung magtext man siya, wala na ang dating sweetness kumbaga. Sobra kong dinamdam ang pagbabago sa
kanya.
Alam kong maliit na pagsubok lamang sa
relasyon namin ito. Naisip kong abala
lang siya sa trabaho at kailangan ko lamang siyang intindihin dahil sa sobrang
dami ng ginagawa niya. Nag-aaral pa rin
naman ako, at ginawa ko na lamang siyang inspirasyon sa lahat ng ginagawa
ko. Isang araw, nagulat na lamang ako nang bigla
siyang dumating sa bahay namin. May
dalang teddy bear at ang paborito kong tsokolate, peace offering niya raw. Oo, pareho na kaming legal sa mga pamilya
namin at masaya naman sila para sa amin.
Noon ay ipinaliwanag naman niya sa akin ang dahilan kung bakit hindi
siya minsan makatext o makatawag sa akin dahil sa sobrang dami lamang ng
ginagawa nila sa kumpanya. Humahanap
naman daw siya lagi oras para makausap ako at makumusta.
Marami man kaming pinagdaanan sa aming
relasyon, hindi namin nagawang sumuko sa isa’t isa. May mga isyu man ng selos, kawalan ng oras sa
isa’t isa ay may isa pa rin lagi sa aming dalawa na nagpapakumbaba at
nagpapalamig. Mag-aaway lamang kami at
hindi kailanman kami maghihiwalay. Ilang
taon rin ang lumipas at hindi nagbago ang pagmamahalan namin sa isa’t isa. Nakatapos na rin ako sa kolehiyo, na
pangarap naming dalawa at hindi kalauna’y nagdesisyon na rin kaming
magpakasal. Dahil pareho na kami ngayong
may trabaho, pinaghandaan namin nang mabuti
ang preparasyon para sa natatanging araw naming dalawa. Hindi na kami makapaghintay sa araw na iyon
at pareho kaming sabik na magpalitan ng pangakong panghabambuhay na magsasama
sa hirap man o ginhawa.
Isang araw, bago ang araw ng kasal
nina Grace at Matthew, isang masamang balita ang nakarating sa pamilya ng
dalawa. Halos gumuho ang langit at lupa
nang malaman nila ito sapagkat saksi sila lahat sa wagas na pag-ibigan ng
dalawa. Naaksidente sila sa minamaneho
ni Matthew na kotse dahil sa pag-iwas nito sa dumadaang bata. Malubha ang kalagayan ng dalawa ngunit mas
malabo ang tyansang magising ni Grace. Nagising
lamang si Matthew isang linggo ang lumipas.
Si Grace kaagad ang hinanap niya at hindi siya napigilan ng nars na
puntahan sa katabi niyang rum si Grace na ilang araw pa ring coma. Humingi siya ng tawad dito at sinisi ang
sarili sa hindi pag-iingat sa pagmamaneho.
“Grace, mahal na mahal kita.
Hindi ko kakayanin kapag nawala ka sa buhay ko.. Patawarin mo ako Grace,
gumising ka na, ‘diba magpapakasal pa tayo.
Paano na ang mga pangarap natin Grace, umiiyak na sabi niya”. Nakita niya ang mga luhang unti-unti ring
pumatak buhat sa mga mata ni Grace.
Ilang araw, linggo at buwan na ang
lumipas subalit hindi pa rin nagigising si Grace. Patuloy lamang na binantayan ni Matthew si
Grace. Hindi siya nagsasawang bisitahin
ito pagod man sa maghapong trabaho sa opisina.
Hindi siya nawawalan ng pag-asa na isang araw ay magigising ang
minamahal at matutupad na nila ang pangarap nilang dalawa. Si Matthew ay isang mahusay na empleyado sa
kanilang kumpanya at mahusay siyang makisama sa kapwa niya mga katrabaho. Isa sa mga malapit niyang ka-empleyado ay si
Miss Lovely, na dati na ring pinag-awayan nila ni Grace noon sa sobrang close
ng dalawa. Siya ang naging sandalan ni
Matthew at nagpapalakas ng loob nito para sa kanila ni Grace. Walong buwan na ring coma si Grace at sa
bawat araw na magkasama sila ni Miss Lovely sa opisina ay nagkaroon siya ng
lihim na pagtingin dito. Maganda si Miss
Lovely at masayang kasama. Ramdam niya iyon
sapagkat matagal na silang magkakilala at sa tuwing magkasama sila ay napupunan
nito ng saya ang puso ni Matthew. Halata
sa mga kilos ni Miss Lovely na may pagtingin din ito sa lalaki.
Isang araw na hindi nagpakita si
Matthew sa mga magulang ni Grace ni hindi rin ito dumalaw sa ospital. Nakokonsensya siya sa nararamdaman niya at
napagtanto nito ang pagtataksil na ginagawa niya. Umiinom siya ng alak habang iyak ng
iyak. Biglang nagbalik lahat sa gunita
niya ang lahat ng magagandang alaala nilang dalawa ni Grace. Kung paano sila nagkakilala, kung paano siya
nito sinagot at lahat ng mga pangarap na binuo nilang magkasama. Alam ng puso niya na si Grace lamang talaga
ang mahal at tunay na laman ng puso niya.
Gumawa siya ng isang liham dito ukol sa maling naramdaman niya kay Miss
Lovely at humingi rin siya ng tawad kay Grace sa lahat. Ipinangako niyang kapag nagising na kaagad si
Grace ay magpapakasal na kaagad sila.
Sinabi niya rin sa liham kung gaano niya kamahal ang babae. Kaagad siyang nagtungo sa ospital upang dalhin
ang liham na iyon. Bumili rin siya ng
isang bouquet ng rosas at ng paboritong tsokolate nito.
Medyo nakainom si Matthew, habang
nagmamaneho siya ng motorsiklo, biglang tumawag ang nanay ni Grace. “Hello po Tita, pupunta na po ako dyan
ngayon, aniya”. “Sige Matthew,
tamang-tama kasi nagising na si Grace, masayang sagot nito”. Nang malaman ang magandang balitang iyon ay
mas binilisan niya ang patakbo ng motorsiklo at hindi na makahintay na muling
makausap at marinig ang boses ni Grace. Pagdating
sa ospital, nagmamadali siyang nagtungo sa silid kung nasaan si Grace. Nakangiti ito sa kanya nang pumasok siya sa
pinto. Nag-uumapaw na tuwa ang
naramdaman ni Matthew at ng buong pamilya ni Grace dahil lahat sila ay nakilala
kaagad nito. Maraming napagkwentuhan ang
buong pamilya upang aliwin si Grace.
Napag-usapan na rin ulit nila ang kasal ng dalawa dahil alam nilang ito lamang
ang tanging pangarap nina Grace at Matthew.
Ilang araw lamang ang lumipas at mabilis ang naging paggaling at
paglakas ni Grace. Pinayagan na siya ng
doktor na makauwi sa ospital.
Talos sa mukha nina Grace at Matthew
ang labis na ligaya sapagkat lalabas na ito ng ospital at kinabukasan din ay
tuloy na tuloy na ang pinakahihintay nilang sandali. “Sige na Matthew, mauna na kayo sa sasakyan
ni Grace. Ako na ang bahalang magdala ng
ibang gamit dito”, mariing wika ng nanay ni Grace. Kaagad na nagtungo ang dalawa sa sasakyan sa
labas at nagtaka sila sa matagal na pagdating ng nanay ni Grace sapagkat isang
bag na lamang naman ang naiwan doon na dala-dala nito. Medyo nainip din sila sa paghihintay kaya’t
nagpaalam si Matthew kay Grace upang bumili muna ng maiinom. Kinapa niya sa bulsa niya sa likod ng suot niyang pantalon na grey ang kanyang
pitaka subalit nawawala ito. Naisip
niyang baka naiwan niya ito sa rum ni Grace kaya’t nagdesisyon na itong pumunta
doon at kaunin na rin ang nanay ni Grace.
Kaya pala ganoon ay sinigurado ng
nanay ni Grace na walang anumang bagay o gamit silang maiiwan. Bitbit ang isang bag na may lamang ilang
piraso lamang ng damit ni Grace ay lumabas na siya sa silid.
Akmang sasaraduhan na sana niya ang pinto nang biglang may naaninag
siyang kung anong bagay sa ilalim ng lamesa.
Dinampot niya ito at nagulat siyang isa itong pitakang leather na kulay
brown. Binuklat niya ito nang may
katapatan upang siguraduhin kung sinong nagmamay-ari at maisauli rin
kaagad. Hindi niya napigilan unti-unti
ang pagpatak ng mga luhang nagbubugso ng labis na pangungulila at pagkalito sa
kanyang nasaksihan buhat sa nasaksihan dito.
Isang larawan na pilit ibinalik mula sa nakaraan ang lahat ng kanyang
naging kapabayaan at labis na pagsisisi.
Patuloy pa rin siya sa pagluha nang makarinig ng ilang yabag ng sapatos
na wari niya’y papasok sa silid. Si
Matthew. Nakangiting bumungad sa kanya
si Matthew at waring nagugulumihanan sa kanyang labis na pag-iyak nang madatnan
doon. “Tita, bakit po kay…”, ang tanging
nasambit ni Matthew nang bigla niya itong yakapin nang mahigpit. Yakap na
matagal na niyang inaasam sa ilang taong pagtitiis at pangungulila. Hindi lubos na maunawaan ni Matthew ang mga
pangyayari.
-WAKAS-